Tuesday, October 25, 2005

Lomboy

Noong Sabado, pumunta kami ni Mommy sa Lomboy, La Paz, Tarlac. Nagsimba muna kami bago magbiyahe tapos dahan-dahan kaming naglakbay papunta sa Lomboy. Kumain kami ng agahan sa Jollibee sa may North Luzon Expressway. Bumili rin kami ng mga bulaklak sa may lampas ng Tarlac. Dumating kami sa Lomboy pagkatapos ng alas onse ng umaga. Sinalubong kami ng maraming kamag-anak - sina Tita Josie, Tita Baby, Tito Rey, Christelle, Xyla at EJ. Binaba namin yung mga gamit namin at nagpahinga.

Pagkatapos matulog, bumisita kami kina Tita Tita dahil kaarawan ni Lola Mayang. Ika-89 na kaarawan na niya kaya maraming taong dumating. Kumain kami ng iba't-ibang ulam at nakipag-usap kina Tita Tita at Tita Flor. Pinakita rin ni Tita Tita ang kanilang malaki at magandang bahay. Dalawang palapag ang bahay na may marmol at narra na kahoy. Noong hapon, kumain kami ng napakasarap na palabok.

Noong hapon, dinaan namin si LA sa bahay niya sa laod. Nilalagnat at mukhang may hika kasi siya. Tapos, pumunta kami sa Pangasinan para makiramay sa mga kamag-anak ni Dante Magaway. Namatay siya sa bangungot. Naroon sina Tita Lucing, Tita Leoning, KC, Ate Evelyn at marami pang kamag-anak. Nahimatay pa nga si Tita Lucing sa sobrang lungkot. Naglaro kami ng baraha ni KC. Nag-chikahan din kami ng mga kamag-anak tungkol sa kasal ni Kuya Benjie, sa Lomboy, sa mga kapatid ni Kuya Dante at marami pa. Pagkatapos naming makiramay, kumain kami sa Jollibee.

Noong Linggo, binisita namin yung mausoleo nina Tatay at Nanay, yung lolo at lola ko. Maganda yung mga tiles at yung design. Bumisita rin kami sa puntod ni Kuya Jethro. Tapos, umuwi kami sa bahay at kumain ng sinigang. Nagpaalam kami sa aming mga kamag-anak at lumakad kami nang alas dose ng tanghali. Nakarating kami sa bahay ng pasado alas tres. Nagsimba rin kami noong alas siyete ng gabi at pinakintab namin yung bell.

Noong Lunes, pumunta kami ni Mommy sa Citibank at sa SM. Bumili kami ng mga pagkain at nagpapalit ng dollars. Nagsimba rin kami noong alas singko y medya dahil magbabasa si Mommy.

Kahapon, nagsimba kami noong hapon at nagbilang ng pera. Nagbigay yung pamilyang Balaoing ng maraming mga piso. Nakakatuwang bilangin yun.

Ngayon, nakuha ko yung recommendation galing kay Prof. Merrifield. Natuwa ako doon. Mamaya, magsisimba kami ni Mommy.

2 comments:

  1. Anonymous6:42 PM

    This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
  2. Anonymous6:43 PM

    This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete